Ibinabala ng Malacañang sa mga contractor na nakakuha muli ng flood control projects na kailangang tapusin ang kontrata at proyekto kahit dati nang nasangkot sa mga anomalya.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, responsibilidad ng mga naturang kumpanya na sundin at tapusin ang nakasaad sa kanilang kontrata, lalo na ang pagkumpleto sa mga proyektong pinondohan ng pamahalaan.

Giit ng Palasyo, hindi ibig sabihin na “abswelto” na ang muling pagkakasungkit ng kontrata at sa halip ay patuloy pa ring sasailalim sa imbestigasyon ang mga kumpanyang ito at pananagutin kung mapatunayang muling lumabag.

Dagdag pa ni Castro, kung hindi tutuparin ang obligasyon, maaari nang ipagbawal ang mga naturang kontratista na makakuha pa ng susunod na proyekto.

Batay sa naunang imbestigasyon ng Palasyo, 15 kumpanya ang lumabas na nanguna sa may pinakamaraming flood control contracts nitong nakalipas na tatlong taon ng administrasyon, kabilang ang ilang iniuugnay sa mga opisyal at personalidad.

-- ADVERTISEMENT --