Tuguegarao City- Nasa maayos na kalagayan ngayon ang 9 na mg COVID-19 confirmed cases na nasa pangangalaga ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Sa panayam kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief, symptomatic at nasa mild condition ang mga pasyenteng minomonitor sa kanilang tanggapan.
Sa huling datos ng CVMC, tatlo sa mga pasyente ay mula sa Aurora, Isabela, tatlo rin ang mula sa Ilagan City, isa sa Tabuk City, Isa rin ang mula sa Sta. Ana na hinihintay pa ang resulta ng swab test at ang huling naitalang pasyente kahapon na mula sa bayan ng Solana.
Dagdag pa rito ay mayroon namang 12 COVID-19 suspected cases na minomonitor pa rin ng nasabing pagamutan.
Sinabi ni Dr. Baggao na natagalan lamang ang paglabas ng resulta ng swab testing dahil natambakan ng mga specimen samples ang testing center ng DOH Region 2.
Samantala, bilang paggunita ng ika-75 taong anibersaryo ng CVMC ay nagdaos na lamang ng misa ang mga kawani bilang proteksyon sa banta ng COVID-19.
Muli ay hinikayat pa ni Dr. Baggao ang lahat na manalangin at sumunod sa mga ipinatutupad na alituntunin upang makaiwas sa banta pa rin ng COVID-19.