Nagpaalala ang Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegarao sa publiko laban sa scam sa mga food and delivery services matapos na magkakasunod na dumating sa City Hall ang apat na delivery riders upang magdeliver ng mga fake orders ng mga pagkain at alcoholic beverages.
Ayon kay Mayor Maila Ting-Que, ginamit ng scammer ang pangalan ni Councilor Boyet Ortiz sa pag-order ng mga pagkain at inumin at ipinadeliver ito sa City hall.
Sinabi niya na aabot sa P6500 ang halaga ng mga idineliver ng tatlong magkakasunod na riders sa City hall habang kalaunan ay may sumunod na namang isa pang rider na naghatid ng mga pagkain kaya’t agad na niyang tinawagan si Ortiz upang kumpirmahin ngunit ikinagulat naman ito ng opisyal dahil wala naman siyang inorder na mga pagkain.
Saad ni Ortiz, bago nito ay ikinaalarma rin niya ang dalawang magkasunod na tawag mula sa magkaibang restaurants na pagmamay-ari ng mga kakilala nito upang mag-verify sa umano’y mga orders na nakapangalan sa kanya na agad naman niyang na-cancel.
Inihayag ng mga opisyal na iisa lamang ang numerong 0936-532-9564 na ginamit ng scammer sa pagtawag sa mga restaurants habang nagpaload pa ng P500 ang scammer sa isa sa mga riders gamit ang number na 0965-990-9782.
Dahil sa pangyayari ay inihayag ni Mayor Que na nagtulong-tulong ang mga kawani ng City hall at maging si Councilor Ortiz upang makapag-ambagan at mabayaran ang nasabing halaga ng orders upang matulungan ang mga biktimang riders.
Kaugnay nito ay nagpaalala naman si Que sa lahat ng mga restaurants sa lungsod na bago mag book ng malalaking halaga ng mga orders ay ugaliin munang mag verify sa kanilang mga system upang hindi rin maipit at mabiktima ang mga naghahanapbuhay na mga riders.
Dahil dito ay sinabi niya na gagawa sila ng mga hakbang upang matulungan ang mga riders sa mga scammers kung saan ay kukunin aniya nila lahat ng pangalan ng mga registered riders at establishments na nag-aalok ng delivery services upang magabayan sa kanilang pagbook ng orders.
Pinag-aaralan aniya ngayon ng kampo ni Ortiz ang pagsusulong ng ordinansang poprotekta sa mga negosyante, riders at sa publiko laban sa panloloko ng mga scammers.