Hiniling ni Senator Panfilo Lacson sa mga awtoridad na imbestigahang mabuti at alamin kung sino ang nasa likod ng tangkang panunuhol kay Batangas Rep. Leandro Leviste.

Kinilala ang nadakip na district engineer na si Department of Public Works and Highways (DPWH)-Batangas 1st Engineering District Office, District Engineer Abelardo Calalo at nakatakdang sampahan ng kaso bukas matapos suhulan ng P360 million ang kongresista kapalit na hindi na iimbestigahan ang maanomalyang proyekto ng mga flood control projects.

Nagtataka si Lacson dahil lumalabas na ang mga DPWH officials partikular sa district level ang mistulang legmen o bagmen ng mga contractors sa halip na contractor ang dapat na nag-alok sa kongresista at hindi ang district engineer.

Duda ang senador na mayroon talagang makapangyarihang contractor na nasa likod ng panunuhol na ito at ito ang dapat na alamin ng mga awtoridad.

Naikumpara rin ng mambabatas ang sitwasyon sa Bulacan kung saan mismong ang district engineering office na ang naglalako ng mga proyekto sa mga suking contractors pero mayroong mga funder o sponsor ng insertion na nagmamanipula ng mga proyekto na siyang pinaka-utak ng mga maanomalyang proyektong ito.

-- ADVERTISEMENT --