Pinamamadali na ng mga lokal na opisyal ng Nueva Vizcaya ang rehabilitasyon ng tulay na nagdudugtong sa mga liblib na barangay ng Latbang at Pinayag sa bayan ng Kayapa, kasunod ng isang video na nagpapakita sa araw-araw na panganib na hinaharap ng mga estudyante.
Sa video na ibinahagi ni Pinayag National High School senior high teacher Glory Madawat-Smith, makikita ang mga estudyante na maingat na tumatawid sa naputol na tulay at nakahawak lamang sa mga tali at bakal na mga kable para makatawid sa ilog papunta sa kanilang paaralan.
Agad na nakakuha ng atension ang nasabing video online mula sa mga lokal at education officials.
Kaugnay nito, sinabi ni Smith, umuuwi ang mga mag-aaral ng kada Biyernes at babalik sa kanilang boarding houses sa Barangay Pinayag sa Linggo para makapasok sa eskwelahan sa Lunes.
Ang mga pumapasok sa Pinayag National High School sa Sitio Macdu, Barangay Pinayag ay kailangan na matapang na tawirin ang naputol na Latbang hanging bridge para makatawid sa ilog.
Sinabi ni Smith na bagamat gumagawa ng alternatibong daanan ang mga barangay officials, lagi namang nasisira ang mga ito kapag may malalakas na ulan.
Pinayuhan naman ni Dr. Orlando Manuel, superintendent of the Nueva Vizcaya Schools Division ang mga estudyante na huwag nang pumasok sa kanilang paaralan kung delikado ang kanilang dadaanan, dahil maaari naman ang modular learning.
Kasabay nito, naglatag si Manuel ng pangmatagalang solusyon sa problema, kung saan gagawin nang integrated school ang Latbang Elementary School para makasama na dito ang high school.