Nanawagan ang isang opisyal sa lalawigan ng Cagayan na isama sa mga tulungan sa pangangailangan ng pagkain ang mga estudyante mula sa Batanes at Calayan na nag-aaral sa Tuguegarao City matapos ma-stranded dahil sa enhanced community quarantine sa Luzon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni 2nd District Board Member Vilmer Viloria na hindi nakauwi ang mga ito matapos suspendihin ang mga flights at biyahe ng mga bangka patungo sa isla.

Ayon kay Viloria, karamihan sa mga estudyanteng stranded ay nananatili sa kanilang boarding house sa lungsod habang ang ilan ay nasa bayan ng Sta Ana at Sanchez Mira.

Dumadaing na rin umano ang ilan sa mga ito lalo na sa pagkain kung saan hindi makapagpadala ang kanilang pamilya ng pera dahil sarado ang mga remittance center at walang biyahe.

Aniya, patuloy rin nilang inaalam ang mga pangalan at kinaroroonan ng iba pang stranded sa lungsod na apektado sa lockdown upang mabigyan ng tulong.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Viloria na bagama’t nauna nang nakapaghatid ang kanyang opisina, katuwang ang Sangguniang Kabataan ng tulong para sa food packs sa mga estudyanteng mula Calayan ay kulang pa rin ang mga ito.

Kabilang sa laman ng food packs ay mga delata, noodles, kape, asukal, at iba pa.

Kaugnay nito, umapela ng donasyon si Viloria sa mga nakakaluwag sa buhay para sa bigas upang mahatiran ng tulong ang lahat ng mga stranded na estudyante.

Umapela rin ito sa lokal na pamahalaan ng Sta. Ana at Sanchez Mira kaugnay sa posibleng tulong na maaaring ibigay sa 32 estudyanteng Ivatan na nasa kanilang bayan.