Umaapela ng tulong na pagkain at mga damit ang mga residente ng Barangay Visitacion sa Santa Ana, Cagayan na inilikas matapos ang biglaang pagbaha.

Sinabi ni Arnel Riturio, kapitan ng nasabing barangay na kailangan ng mga residente ang relief goods dahil sa nabasa ang kanilang mga palay dahil sa baha.

Ayon kay Riturio na hindi nila inasahan ang biglang pagtaas ng tubig baha sa kanilang lugar kung saan ang umabot pa hanggang leeg ng tao.

Sinabi niya na nagkaroon ng high tide na pinalala pa ng tubig na mula sa mga bundok dahil na rin sa malalakas na pag-ulan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Riturio na kinailangan ng rubber boats upang ma-rescue ang mga residente na dinala na sa kanilang gymnasium.

Idinagdag pa ni Riturio na may 20 residente na ayaw umalis ng kanilang bahay na hanggang baywang na ang baha sa kanilang lugar.

Sa ngayon, sinabi ni Riturio na unti-unti na ring humuhupa ang baha sa kanilang lugar.

Matatandaan na ilang barangay ang isolated sa Santa Ana dahil sa hightide.