Inilahad ng mga indibidwal na nagpakilalang dating miyembro ng Marines sa pagdinig ng Senado hinggil sa umano’y anomalya sa flood control projects na naghatid umano sila ng mga maletang may lamang pera sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno at dating mambabatas.

Ayon kay Johnny Buduan, kabilang umano sa mga pinagdalhan ng limang maleta noong 2022 si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Ilocos Norte. Sinabi naman ni Belnard Tube na nakita niya umano sa isang bahay sa Paoay ang Pangulo, Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos. Mariing hinamon ng Malacañang ang mga testigo na magpakita ng ebidensya upang patunayan ang kanilang mga alegasyon.

Idinawit din ni Buduan si Leyte Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez bilang isa sa mga umano’y tumanggap ng mga maleta. Itinanggi ni Romualdez ang paratang at iginiit na wala siyang natanggap na anumang kickback mula sa mga proyekto ng imprastraktura.

Samantala, sinabi ni Benny Bulontante na kabilang siya sa grupong naghatid umano ng limang maleta sa isang gusali sa Baclaran na iniuugnay kay dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III. Itinanggi ni Sotto ang alegasyon at binigyang-diin na mali ang mga detalyeng ibinigay ng mga testigo.

Inakusahan din ng testigong si Bernard Gumban si Senador Erwin Tulfo na dalawang beses umanong pinagdalhan ng mga maleta sa Greenhills. Pinabulaanan ito ni Tulfo at sinabing magkakasalungat ang mga pahayag at detalye ng mga nag-akusa laban sa kanya.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, idinawit din ng mga testigo sina dating Senadora Leila de Lima, dating Gabriela Party-list Rep. France Castro, dating Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, at dating Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas sa mga umano’y pagpupulong kasama si Zaldy Co. Mariin nilang itinanggi ang mga alegasyon at iginiit na walang batayan ang mga ito.

Sinabi naman ni Senador Alan Peter Cayetano na mabigat ang mga ibinunyag sa pagdinig at kinakailangang masusing suriin ang mga naturang alegasyon.