Boluntaryong isinuko ng isang may ari ng tindahan ang mga firecrackers na ipinagbibili nang walang kaukulang permit sa Brgy. Minanga, Piat, Cagayan.
Kinilala ni PLT John Philip Salva Deputy chief of police ng PNP Piat ang may-ari ng tindahan na si Dominga Dolado, 64 anyos, businesswoman at residente sa nasabing barangay.
Una rito ay bandang alas otso ng gabi ng December 21, 2024, nakatanggap ng tawag ang kapulisan mula sa isang concerned citizen ukol sa mga firecrackers na ipinapakita at binebenta sa isang tindahan.
Agad naman aniyang nagsagawa ng verification ang mga operatiba kung saan dito na natuklasang walang permit ang mga firecrackers na ipinapakita ng may-ari ng tindahan.
Dahil dito ay boluntaryong isinuko ng may ari ng tindahan ang 81 piraso ng kwitis na nagkakahala ng P1,250, 18 piraso ng malalaking Picolo na nagkakahalaga ng P90 at 43 piraso ng maliliit na Picolo na nagkakahalaga naman ng P129.
Aniya, boluntaryong isinuko ng may-ari ng tindahan ang mga nasabing firecrackers kung kaya’t hindi na rin ito masasampahan ng kaso.