
Inihayag ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na hindi nila pinayagan ang pagpasok ng gadgets at mga damit ni dating Senator Ramon Bong Revilla Jr. sa Quezon City Jail-Male Dormitory.
Sinabi ni BJMP spokesperson Jail Superintendent Jayrex Bustinera, na lahat ng mga damit na hindi otorisado, at mga gadgets ay ibinigay sa abogado ni Revilla para iuwi.
Idinagdag pa ni Bustinera na propesyonal ang mga personnel ng BJMP, at ipinapatupad ang zero tolerance sa VIP treatment.
Matatandaan na naglabas ang Sandiganbayan noong Lunes ng arrest warrant at hold departure order laban kay Revilla at anim na iba pang personalidad kaugnay sa umano’y P92.8 million ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Sumuko si Revilla noong gabi ng Lunes sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa Camp Crame.
Ang oras ng pagbisita sa persons deprived of liberty (PDLs) ay mula 1 p.m. hanggang 5 p.m. mula Martes hanggang Biyernes, at mula 8 a.m. hanggang 5 p.m. sa Sabado at Linggo.
Matapos ang pitong araw na quarantine, ipapasok na si Revilla at iba pang kapwa niya akusado sa kanilang selda.
Sinabi pa ng BJMP na magsusuot ng body cameras ang jail guards para mai-record ang kanilang araw-araw na interaction sa mga PDLs.








