(c) Philippine Navy

Inaasahang darating na sa susunod na Linggo ang mga gamot at Personal Protective Equipment (PPE) para sa mga COVID -19 frontliners sa lalawigan ng Batanes.

Ayon kay Lt. Commander Rodney Cudal, civil military operation officer ng Naval Forces Northern Luzon na dumating na sa La Union ang 50 boxes ng medical supplies na galing Manila, kasama ang mga gamot na mula sa Department of Health Region II.

Ito ay ikakarga sa barko habang inaantay ang iba pang mga produkto na dadalhin sa island municipality hanggang sa Linggo ng hapon, kasama ang ilang miyembro ng Philippine National Police.

Pagbalik ng barko ay isasakay din nito ang labing-apat na-stranded na turista sa Batanes patungo sa mainland upang makauwi sa kanilang mga tahanan.

Tiniyak ni Cudal na isasailalim sa masusing pagsusuri at protocol ng DOH ang mga stranded na pasahero na ibababa sa San Fernando, La Union.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nasa mahigit isan-daang reservists ng Philippine Navy ang naideploy sa Cagayan, Pangasinan at Zambales para tumulong sa ipinatutupad na enhanced community quarantine upang labanan ang pagkalat ng COVID-19.

Nakadeploy rin ang ilan sa kanilang mga tauhan sa Itbayat Port, Batanes bilang miyembro ng Interagency Task Force COVID-19, katuwang ang PNP.