TUGUEGARAO CITY- Pupulungin umano ni Agriculture Secretary William Dar ang lahat ng mga gobernador sa buong bansa sa September 3, 2019 sa Quezon City.
Sinabi ni Nueva Vizcaya Governor Carlos Padilla na ito ay batay sa kanyang natanggap na sulat-imbitasyon mula sa tanggapan ni Dar.
Ayon kay Padilla, pangunahing pag-uusapan umano sa pulong ang epekto ng Rice Tarrification Law sa mga magsasaka at ukol sa African swine fever
Kaugnay nito, sinabi ni Padilla na ramdam na rin ng mga magsasaka sa Nueva Vizcaya ang hindi magandang epekto ng Rice Tarrification Law.
Ayon sa kanya, halos hindi na gumagalaw ang mga palay ng mga magsasaka dahil sa ayaw na itong bilhin ng mga traders.
Dahil dito, sinabi ni Padilla na maglalaan ang pamahalaang panlalawigan ng P20M upang idadagdag sa pondo ng National Food Authority upang mabili ang mga palay ng mga magsasaka sa lalawigan.
Ayon sa kanya, maaaring gamitin ang nasabing pondo para maghanap ng warehouse na rerentahan dahil sa ito umano ang problema ng NFA na wala silang pag-iimbakan ng mga bibilhing palay.
Ito ay dahil sapat naman umano ang pondo ng NFA para sa pagbili ng palay ng mga local farmers sa Nueva Vizcaya.