Gagawa umano ng legal action ang mga grupo na tutol sa batas na nagbigay daan para ihinto na ang paggamit ng mother tongue sa pagtuturo mula Kindergarten hanggang Grade 3.
Sinabi ni ACT Teachers Party-list Representative France Castro, na kokonsulta ang Alliance of Concerned Teachers, Teachers Dignity Coalition at iba pang grupo sa kanilang legal team upang malaman ang mga nararapat na hakbang na ihahain sa Korte Suprema upang makita ang interpretasyon sa batas.
Kasabay nito, sinabi niya na walang katotohanan ang mga pahayag na hindi nakatulong ang paggamit ng mother tongue sa pagtuturo, dahil batay sa pag-aaral ay nagbunga ng positibo sa pag-aaral ng mga kabataan.
Binigyang-diin ni Castro na ang dapat sisihin dito ay ang kawalan ng sapat na inilaan para sa text books, dictionaries, at pagsasanay sa mga guro.
Ayon sa kanya, nagpabaya o nagkulang ang Department of Education sa pagpapatupad ng paggamit ng mother tongue na sinimulang gamitin noong 2013.
Samantala, sinabi ni Castro hinihintay na lamang nila ang tugon ng Commission on Elections sa kanilang kahilingan na magkaroon ng dayalogo upang pag-usapan ang mga papel ng mga guro sa 2025 elections.
Sinabi ni Castro na ilalatag din nila ang kanilang kahilingan na dapat na huwag nang patawan ng buwis ang honorarium ng mga guro na magsisilbi sa halalan, bigyan sila ng limang araw na leave credit, at insurance.