Tinipon ng pamahalaang panlalawigan ng Quirino at ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga fossilized flower industry stakeholders upang tulungan silang makamit ang sustainable at responsableng entrepreneurship.
Ang pagpupulong na nilahukan ng 45 fossilized flower makers ay nakatuon sa kahalagahan ng pagsunod sa mga naaangkop na batas at regulasyon sa paggawa ng mga fossilized flowers mula sa paghahanda hanggang sa pagtatapon ng basura.
Sa nasabing pagpupulong tinalakay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) – Environmental Management Bureau ang tungkol sa mga batas at regulasyon na namamahala sa basura at ang pagtatapon ng mga mapanganib na basura at mga kemikal, partikular sa mga mahahalagang probisyon ng Republic Act 6969.
Ang mga fossilized flowers ay gawa sa mga dahon ng alibangbang o butterfly tree, guyabano, langka, mangga at iba pang materyales, pinoproseso at pinapapaputi gamit ang sodium hydroxide, kinukulayan at ginagawang mga bulaklak .