Nadagdagan ng 516 ang bilang ng mga nakarekober sa COVID-19 sa Cagayan Valley nitong Martes, base sa pinakahuling datos na inilabas ng Department of Health Region 2.
Dahil dito, sa 31,150 na kabuuang bilang ng kaso sa buong rehiyon na pawang mild at asymptomatic ay 25,493 sa mga ito ay gumaling na sa respiratory disease.
Sa kabila nito, nakapagtala pa rin ang rehiyon ng 380 dagdag na kumpirmadong kaso ng COVID-19 para sa kabuuang 5,116 na aktibong kaso o iyong mga hindi pa gumagaling sa sakit.
Umabot naman sa 531 ang death toll matapos maiulat ang pagkamatay ng dalawa pang tao dahil sa COVID-19 pero ang lahat ng ito ay may mga co-morbidity.
Nangunguna pa rin ang lalawigan ng Isabela sa may pinakamarami na naitalang aktibong kaso, sinundan ng Cagayan, Nueva Vizcaya, Santiago City, at Quirino habang sa Batanes ay wala nang aktibong kaso ng virus.