Planado na ng binuong Incident Management Team ng Isabela ang mga hakbang na ilalatag sa pag-rescue ngayong araw sa piloto at babaeng pasahero nito matapos bumagsak ang sinasakyang piper plane sa Isabela.

Sinabi ni Atty. Consante Foronda Jr., Head ng Isabela PDRRMO na buo pa ang katawan ng eroplano kayat muling babalik ang grupo ng mga rescuers sa crash site upang isagawa ang rescue operation.

Kahapon ay dalawang helicopter ng Philippine Air Force ang lumipad at natukoy nila na ang bundok na binagsakan ng eroplano ay nasa 4,500 feet above sea level habang 2,200 feet naman ito mula sa paanan ng bundok kung saan nakasabit ito sa puno.

Hindi lang aniya nagawang malapitan ng helicopter ang crash site dahil maaari silang tumama sa pader ng bundok at wala ring lalapagan ang eroplano habang hindi rin nagawang makababa ng mga parajumpers dahil hindi abot ng kanilang kable ang bababaan nila dahil sa taas ng bundok.

Sinabi pa nito na sa naging pag-iikot ng grupo sa lugar ay nakakita sila ng open space malapit sa ilog na maaaring lapagan ng eroplano limang kilometro ang layo mula sa crash site ngunit kinakailangan pang maglakad at umakyat ang mga rescuers bago makarating

-- ADVERTISEMENT --

Ngayong araw ay muling babalik ang grupo sa lugar kung saan kasama sa mga rescue team ang dalawang parajumper ng airforce, apat na rescuers ng PDRRMO at limang special Rescue Unit ng BFP na pawang kwalipikado sa mountain search and rescue.

Bukod sa mga kakailanganing gamit sa pagrescue ay dala rin ng mga ito ang kanilang satelite telephone habang nag set up na rin sila ng back up communication system sa lugar upang mapadali ang pagbibigay ng gabay at paabiso para sa mga magsasagawa ng pag-rescue.