Kinabitan ng GPS o Global Positioning System tracker ang mga heavy equipment at service vehicle ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan upang masiguro na ginagamit lamang ang mga ito sa opisyal at lehitimong trabaho.

Ayon kay Engr. Kingston James Dela Cruz, Provincial Engineer, ang paglalagay ng GPS tracker ay upang mamonitor ang mga sasakyan ng PGC kung saan ang iniikutang ruta at pinupuntahan.

Dagdag pa ni Engr. Dela Cruz, sa pamamagitan din ng “Mobile App: Track Solid” ay malalaman kung nakalabas na sa Cagayan ang sasakyan na nalagyan ng GPS.

Sinabi niya na tutunog o magkakaroon umano ng alarm sa cellphone kung saan naka-install ang Mobile App kung mayroong nakalabas na sasakyan ng PGC sa lalawigan.

Ilan pa sa GPS feature ay ang pag-monitor sa fuel consumption, turn on at off ng air-condition, street view at geofencing.

-- ADVERTISEMENT --

Isa rin dito ang driver behavior katulad ng overspeed alert, sudden acceleration/deceleration, sharp turn alert, collision alert, at iba pa.

Ang PEO at iba pang opisyal ng PGC na may hawak ng password at aplikasyon ay maaaring mag-monitor sa mga nasabing sasakyan.

Ayon sa kanya ang mga lalabag sa alituntuning ito ay papatawan ng kaukulang parusa.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang 28 units ng dump truck, 2 unit ng fuel tanker, 5 unit ng light trucks at 17 units ng service vehicle ang nalagyan ng GPS at ilalagay rin ito sa iba pang mga sasakyan.