Immaterial umano na magsagawa ng paghuli sa mga mga Public Utility Vehicle sa Region 2 na hindi nag-consolidate na itinuring nang colorum ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board dahil sa iilan na lamang umano ang mga ito.

Sinabi ni Atty. Richard Dayag, director ng LTFRB Region 2 na 99.95 percent o umaabot sa 2, 081 na PUV ang nag-consolidate sa rehion.

Ayon kay Dayag ang mga hindi nag-consolidate ay naghain na rin ng kanilang voluntary dropping kung saan ay gagawin na lamang umano na private ang kanilang mga sasakyan habang ang iba ay nagsabi na hindi na nila ipapasada ang mga ito.

Gayonman, sinabi ni Dayag na makikipag-ugnayan pa rin sila sa Land Transportation Office para sa pagsasagawa ng monitoring sa kolorum na mga pampasaherong mga sasakyan upang matiyak na ang mga lehitimo lamang ang pumapasada.