TUGUEGARAO CITY-Hindi naniniwala si Fr. Rino Guaring, parish priest ng Holy Guardian Angels Parish sa Tuao, Cagayan na sinapian ng masamang espiritu ang 59 na estudyante ng Itawes National High School sa Barangay Alabug.
Si Fr. Guaring ang nagmisa sa nasabing eskwelahan matapos siyang ipatawag ng pamunuan ng eskwelahan.
Sinabi ni Fr. Guaring na walang elemento ng demonic possession sa mga nasabing mag-aaral na hinimatay at nagwawala.
Ayon sa kanya, masasabi na sinapian ng masamang espiritu kung takot ito sa rosary at krus at may nakita siyang mga estudyante na may hawak nito, hindi naman sila nagpakita ng sobrang kakaiba, normal din ang kanilang salita na aniya ang sinasapian ay may hindi maintindihan na lenguahe at hindi na sila ang kanilang mga sarili.
Sinabi niya na posibleng nakaranas ng mental stress ang unang estudyante na nahimatay at nagwala at naapektohan ang iba pang mga estudyante dahil sa takot.
Ang payo ni Fr. Guaring, huwag matakot, mag-relax kung pagod na huwag panghinaan ng loob at laging magdasal.
Maging ang principal at ilang guro sa nasabing eskwelahan ay hindi naniniwala na sinaniban ang mga nasabing estudyante.
Gayonman, isiwalat nila na tuwing lumapalapit ang Semana Santa ay may ganitong nangyayari sa kanilang eskwelahan na hindi rin nila maipaliwanag.