Inihayag ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na namigay si Senator Christopher “Bong” Go ng cash “allowance” sa mga opisyal ng Philippine National Police at hindi ito kailanman bilang pabuya sa mga napapatay na drug suspects.

Sinabi ni dela Rosa sa isang panayam na namigay ng pera si Go, bilang dating senior aide ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, dahil ito ay utos ng dating Pangulo kahit noong sila ay nasa Davao pa lamang.

Pagkumpirma ito ni dela Rosa sa mga sinabi ni retired Police Col. Royina Garma sa pagdinig sa Kamara.

Subalit, iginiit ni dela Rosa na ang pamamahagi ng allowances ay hindi bahagi ng tinatawag na reward system para hikayatin ang mga pulis na pumatay ng drug personalities, tulad ng sinabi ni Garma sa kanyang testimonya sa quad committee ng Kamara noong Oct. 10.

Sinabi niya na sa tuwing mayroon silang command conference, binibigyan ang station commanders ng maliit na halaga para sa allowance at operational expenses.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay dela Rosa, na nagsilbing chief ng PNP sa nakalipas na administrasyon, ang pagbibigay ng pera sa mga pulis ay normal practice sa panahon ng pamumuno ni Duterte sa Davao City bilang alkalde, na itinuloy niya noong naging presidente na siya.

Idinagdag pa ni dela Rosa na tulad sa mga ginawa sa Davao, pinangasiwaan ni Go ang pamamahagi ng pera sa PNP officers nang siya ay italaga bilang assistant to the president.