TUGUEGARAO CITY-Nagpasa ng ordinansa ang konseho ng Tuguegarao na may layuning patawan ng parusa ang mga mahuhuling indibidwal na galing sa metro manila na nakakapasok sa lungsod na hindi dumaan sa protocol na balik probinsiya program ng pamahalaan.
Ayon kay Vice Mayor Bienvenido De Guzman ng Tuguegarao City, naisipan nila ang ang nasabing ordinansa dahil sa mga naipapaabot sa kanilang opisina na may ilang individwal ang nakikisabay pauwi sa probinsiya na nagdadala ng mga essential goods sa ibang lugar partikular sa metro Manila.
Aniya, bagamat isinailalim na sa General Community Quarantine ang kalakhang Manila malaki pa rin ang bilang ng mga naitatalang confirmed cases ng covid-19 sa naturang lugar.
Sinabi ng bise alkalde na masasayang lamang ang lahat na pinaghihirapan ng gobyerno para mapanatili ang kawalan ng kaso ng covid-19 sa lungsod maging sa buong probinsiya ng Cagayan kung patuloy ang pagsuway ng mga ilang indibidwal sa mga alituntunin laban sa virus.
Kailangan ang naturang ordinansa para magkaroon ng takot ang sinumang magtatangkang magsasakay ng mga indibidwal papasok sa probinsiya na walang kaukulang dokumento.
Samantala, muling ipinaalala ng bise alkalde sa publiko ang pagsusuot ng face mask at pagpapanatili ng social distancing para makaiwas sa virus.