Pinayuhan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang ilang residenteng pinayagang umuwi mula sa evacuation center na muli silang ililikas dahil sa banta ng Bagyong Ofel sa lalawigan ng Cagayan.

Ayon kay PDRRMO Head Rueli Rapsing, nanatili silang naka red-alert para sa inaasahang pannalasa ng Bagyong Ofel sa Cagayan.

Pinangangambahan kasi ang muling pagtaas ng lebel ng tubig sa ilog Cagayan dahil sa ulan na dala ng bagyo.

Bagamat sa ngayon ay unti-unti nang bumababa ang lebel ng tubig sa ilog ay marami pa rin sa mga inilikas ang nananatili sa evacuation center dahil sa hindi pa tuluyang humuhupa ang baha lalo na sa mga low lying areas dito sa upper stream.

Sa bahagi naman ng Norte ay marami na ang nakabalik sa kanilang tahanan habang nananatili sa mga evacuation center ang mga residenteng nasiraan ang kanilang bahay dahil sa pananalasa ng Bagyong Marce.

-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan naman si Rapsing sa mga residente na makipagtulungan sa mga rescuers lalo’t karamihan sa mga ito ay nagkakasakit na dahil sa sunud-sunod na pagresponde sa magkakasunod na mga bagyo.

Sa bayan ng Solana, pinaghahanda ni Vice Mayor Meynard Carag ang mga residenteng maapektuhan mula sa apat na barangay sa pag-apaw ng Cagayan river.

Bagamat nagkaroon na ng forced evacuation sa naturang mga lugar sa pagtaas ng lebel ng tubig Cagayan river ay naiwan naman aniya ang mga resideteng may mataas na bahagy.

Ito ay ang Brgy Malacabibi, Basi , Ipil at Dassun na kadalasang naaabot ng tubig baha.

Samantala, agad na inilikas ang ilang mga residente sa bayan ng Aparri West at Camalaniugan matapos ang biglaang pagbaha dahil sa high tide.

Sa nagayon ay saturated na ang kalupaan kaya naman pinaghahandaan ang posibleng pagbaha at mabilis na pagtaas ng antas ng tubig sa ilog.

Mula 11.4 meters nitong Martes ng gabi, nasa 9.8 meters na ang lebel ng tubig sa Buntun Bridge nitong Huwebes ng madaling araw.

Samantala patuloy pang pinaghahanap ang dalawang lalaki mula Barangay Bakwit at Barangay Dugayong, Amulung na pinaniniwalaang nalunod sa Cagayan river.

Kasalukuyang nasa Signal No. 3 ang silangang bahagi ng Cagayan at Signal No. 2 naman ang natitirang bahagi ng probinsya.