TUGUEGARAO CITY- Inatasan na ni PCOL Renell Sabaldica, Director ng Cagayan PNP ang Provincial Investigation Unit ng pulisya na imbestigahan ang sunud-sunod na insidente ng pamamaril sa bayan ng Tuao, Cagayan.

Ito ay matapos na maitalang muli ang pamamaril sa isang driver ng LGU Tuao na si Jeffrey Cuaresma, 44 anyos at residente ng Brgy. Bulagao.

Sa inisyal na imbestigasyon, dumating ang biktima sa kaniyang tinitirhan lulan ng kanyang motorsiklo ng pagbabarilin siya ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay din sa isang motorsiklo.

Ayon kay Sabaldica, nagtamo ng 19 na tama ng baril sa katawan ang biktima na dahilan ng kanyang agarang kamatayan.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek na nakasuot ng itim na helmet, face mask at jacket.

-- ADVERTISEMENT --

Narekober sa crime scene ang 23 piraso ng basyo ng caliber 9mm, walong piraso ng basyo ng bala ng caliber 45 at tatlong deformed slug na posibleng ginamit sa pagpaslang sa biktima.

Maalalang nitong Nobyembre 15 lamang ay iniulat ng PNP Tuao ang insidente ng pamamaril kay Nick Gannaban na isa namang negosyante.

Inihayag din nito na sa unang beses palamang na magkaroon ng shooting incident noong Nobyembre 15 ay bumuo na ang pulisya ng regional task force tuao na tututok dito.

Ipinatupad din aniya sa PNP Tuao ang ‘all in and out system’ kung saan ay inilipat nila ang 34 na police personnel at maging ang hepe ng PNP Tuao na pinalitan naman ng 1st Provincial Mobile Force Company sa pangunguna ni PLTCOL Lord Wilson Adorio na nagsimulang umupo bilang OIC nitong Nobyembre 17.

Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng kanilang hanay kung ano ang koneksyon ng magkasunod na insidente ng pamamaril sa nasabing bayan