Simula ngayong araw ay maririnig na naman ang ibat ibang mga pakulo ng mga kandidato sa mga lokal na posisyon para sa nalalapit na may 2019 elections.
Naririyan ang mga naglalakihang tarpaulin na ibinibitin sa mga punongkahoy, mga poste ng kuryente, tulay, at maging ang mga nakakabinging jingle ng mga naglilibot na kandidato.
Sa ating special report ngayong araw, ay ating aalamin ang ilang mga bagay na ipinagbabawal sa panahon ng pangangampanya na mag-uumpisa nga ngayong araw na ito.
Una, para sa mga government employees o mga nagtatrabaho sa gobyerno.
Ayon kay Nerissa Canguilan, regional director ng Civil Service Commission o CSC R02, maraming mga bawal na dapat ay bigyang pansin ng mga empleyado ng gobyerno, partikular na ang mga nasa appointive positions, o mga taong nagtatrabaho sa gobyerno sa ilalim ng civil service appointment.
Kabilang na dito aniya ang pakikialam o pakikisawsaw sa kampanya, pag-promote sa kandidatura ng mga kandidato, at pakikisali sa mga rally o sorties, personal na pagkakabit ng mga campaign posters, o campaign materials sa harapan ng bahay, kahit sa mga sariling sasakyan, kasama na rin ang pagiging watcher sa mismong araw ng botohan.
vcvcvc
Ani Canguilan na kung mayroon mang utang na loob sa sinumang pulitiko o sinumang kandidato, hindi pa rin ito sapat na dahilan upang sumali sa pangangampanya.
Mayroon aniyang mas mataas na ethical standards na dapat ay sundin bilang empleyado at opisyal, at dapat nagsisilbing guide ng mga ito.
Kasama na rin dito ang pag-absent o pag-leave sa trabaho, para lang mangampanya o sumali sa mga campaign sorties ng sinumang kandidato.
Paalala rin ng Department of Interior and Local Government o DILG Cagayan sa mga local officials na kasabay ng pag-uumpisa ng local campaign period ngayong araw,bawal nang gamitin ang mga government proterties sa paglilibot upang mangampanya.
Paliwanag ni Ruperto Maribbay Jr., ang provincial director ng DILG Cagayan, na sa pangangampanya ng bawat kandidato, dapat ay sariling sasakyan o personal na sasakayan ang gamitin at huwag nang idamay pa ang mga government vehicle o ang mga service vehicle.
Maging ang iba pang office o government properties na nasa opisina ay ipinagbabawal ding gamitin sa kampanya, katulad ng mga office papers, stationery, at lalo na ang pondo ng sariling opisina.
Sa ngayon ay nakapagpadala na umano ang ahensiya ng mga liham sa mga local government officials mula sa pagka-gobernador pababa, na humihiling at nagpapa-alala sa mga ito na huwag gamitin ang mga government properties sa pangangampanya.
Aniya, paunang paalala pa lamang ito ng DILG, ngunit sakaling magkaroon ng kahalintulad na paglabag at may pormal na magrereklamo ay nakahanda silang mag-imbestiga.
Sa panig naman ng National Police Commission o NAPOLCOM R02, mariing ipinagbabawal sa mga pulis o kahit sa sinumang uniformed personnel ang pakikisawsaw sa pangangampanya.
Ayon kay Dr. Danilo Pacunana, regional director ng NAPOLCOM R02, may mga naghihintay na kaparusahan sa mga pulis na mapapatunayang nakikisawsaw o sumasama sa mga kampanya.
Kabilang na dito ang pagkatanggal sa serbisyo at demosyon sa ranggo; maliban pa sa kasong kriminal na maaaring kaharapin.
Dagdag pa ng director na iwasan din dapat ng mga pulis na magpagamit sa mga pulitiko.
Kung mayroon mang mga nasaksihang hindi magandang nagawa ng isang kandidato aniya ay kaagad nang gawan ng kaukulang aksyon dahil ang hindi pagtugon dito ay isa ring matatawag na pagpapagamit sa kandidato.
Paliwanag naman ni P/BGEN Jose Mario Espino, regional director ng Police Regional Office 2 na dapat ay laging neutral ang PNP sa sinumang mga kandidato.
Ang tanging tungkulin lamang ng PNP ay ang magsilbing police escort sa mga kwalipikadong kandidato, o kung hindi man ay ang magbantay sa mga rally, lalo na sa mga kritikal areas.
Maliban sa mga ito, nauna na ring inilabas ng Commission on Elections o COMELEC ang ilang guidelines na dapat ay sundin sa pagbubukas ng pangangampanya para sa lokal na posisyon.
Sa mismong pangangampanya, marami rin ang ipinagbabawal ng COMELEC, katulad ng pagpapaskil o pagkakabit ng mga streamer o poster sa mag pampublikong sasakyan, kagaya ng bus, jeepney at tricycle, maging sa mga parke, tulay at mga gusaling pagmamay-ari ng gobyerno.
Maaari lamang magkabit ng mga poster sa mga pribadong lugar o gusali kung may permiso rito ang may-ari, at hindi dapat lalagpas ang mga nasabing poster sa sukat na 3 ft. by 8 ft.
Simula ngayong araw ay ipinagbabawal na rin ng pamahalaan ang promosyon sa mga government positions, kasama na ang pagtaas ng sahod ng mga government employees./GENESIS RACHO