TUGUEGARAO CITY – Kinansela na ng Department of Agriculture Region 2 ang kontrata nito sa supplier ng mga sentinel piglets na nagpositibo sa African Swine Fever (ASF).
Kasabay ng paghingi ng paumanhin ay sinabi ni Narciso Edillio ng DA-RO2 sa isinagawang joint meeting ng Technical Working Group ng Committee on Agriculture and Food and Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle sa isang Hotel sa Cagayan na papalitan din ng supplier ang nasa 12 biik na kontaminado sa ASF.
Itoy makaraang kwestyunin ni Nueva Vizcaya Rep. Luisa Lloren Cuaresma ang mga ipinamahaging sentinel pigs sa tatlong barangay ng lalawigan na siyang nagkalat ng ASF kung saan maraming mga baboy ang nahawa at isinailalim sa culling.
Bukod dito, kinuwestyon din ng kongresista ang pagkakasama ng alkalde ng Bambang sa mga nabigyan ng biik.
Paliwanag ni Edillio, galing ang mga baboy sa Visayas na ASF free na dumaan sa checkpoint sa Nueva Vizcaya subalit hindi na ito isinailalim sa test dahil sa kakulangan ng instrumento at malinis naman ang dokumento.
Sa ngayon ay naghigpit na rin ang DA sa mga checkpoint sa rehiyon at naglagay na rin ng machine para sa pagtukoy sa ASF.
Dagdag pa ni Edillio, galing sa Municipal at Provincial LGU ang listahan ng mga benepisaryo at tanging mga backyard hograisers lamang ang maaaring benespisaryo sa programa kung saan maaaring pasok sa criteria para maging recipient ang alkalde.
Ngunit sinabi ni Cuaresma na ang kailangang bigyang prayoridad sa naturang tulong ay ang mga mahihirap na hog raisers at hindi ang mga opisyal ng pamahalaan na sumasahod.
Dahil dito, idudulog ng kongresista kay Agriculture Sec William Dar ang naturang usapin upang mabago ang naturang sistema.