Tuguegarao City- Pinaghahandaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Kalinga ang pagkakaroon wastong at sapat na mga isolation facilities upang may magamit sakaling magdagsaan sa pag-uwi ang mga na stranded na indibidwal dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa panayam kay Dionica Alyssa Mercado, tagapagsalita ng Kalinga Provincial Government, tinatayang nasa humigit kumulang 1,500 ang magsisiuwian mula sa iba’t-ibang lugar sa luzon.
Aniya, kung sakaling mas magiging maluwag ang sitwasyon na bunsod ng paiiraling General Community Quarantine sa Kalinga ay kailangan pa rin ng ibayong pag-iingat at pagpapatupad ng mga restrictions.
Bahagi aniya nito ay ang siguruhing ma-isolate muna ang mga uuwing galing sa iba’t-ibang lugar upang makasiguro na hindi kumalat ang virus.
Sinabi pa nito na pinag-aaralan na rin ng pamahalaang panlalawigan ng Kalinga ang mga ipatutupad na guidelines sa ilalim ng GCQ at ibabatay din ito ibababang direktiba ng national government.
Samantala, sa huling datos ng Kalinga Provincial Government ay mayroon nalamang aniya silang 19 na suspected COVID-19 patients sa lugar.
Muli ay nanawagan pa si Mercado sa lahat na sumunod sa mga alituntunin at panatilihin ang kalinisan upang makaiwas sa sakit na dulot ng COVID-19.