Tuguegarao City- Mapayapang napigilan ng PNP Tuguegarao ang grupo ng mga kabataan sa pagsasagawa ng kilos protesta kasabay ng paggunita ng Araw ng Kasarinlan kahapon, (June 12).

Kaugnay nito ang walang pormal na pahintulot o permiso mula sa City Government upang makapaglunsad ng public assembly ang naturang grupo.

Sa panayam kay PLT Franklin Cafirma, tagapagsalita ng PNP Tuguegarao, unang nakatanggap ng impormasyon ang kanilang hanay sa pagsasagawa ng kilos protesta ng nasa humigit kumulang 20 miyembro ng Kabataan Party list sa Mall of the Valley na kalaunan ay lumipat sa rizal park.

Aniya, may mga karatulang hawak ang mga nasabing grupo at nakasaad ang mga salitang “uphold human rights and protest is not terrorism”.

Dahil dito ay minonitor naman ng hanay ng PNP ang nasabing pagtitipon at napigilan din sa pagsasagawa ng kilos protesta sa gitna din ng nararanasang banta ng COVID-19 pandemic.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nakikipag-ugnayan na umano ang Kabataan Partylist- Cagayan Valley sa mga abugado laban sa mga miyembro ng pulisya na nagbanta na aarestuhin kung itutuloy ang kilos-protesta sa Tuguegarao City.

Nanindigan si Joshua Kyle Ching-To, chairman ng Kabataan party-list Cagayan Valley na walang batas na nagbabawal ng pagsasagawa ng isang mapayapang kilos-protesta, kahit pa ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

Ito’y sa kabila aniya ng mahigpit na pagsunod ng grupo sa physical distancing at pagsusuot ng face mask.

Bagamat hindi na itinuloy, mapayapa namang tinapos ng kanilang kasamahan ang rally sa Santiago City, Isabela, kasabay ng selebrasyon ng Araw ng Kalayaan.

Ipinaglalaban ng grupo ang kanilang pagtutol sa kontrobersyal na Anti -Terror Bill, maging ang panawagan sa pagsasagawa ng mass testing ngayong may banta ng COVID-19.