Kinatay ang 88 hayop sa Marinduque province bilang hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng Query fever o Q fever, isang sakit na maaaring makaapekto sa tao at sa mga hayop.
Pinatay ng mga otoridad sa nasabing lalawigan ang 81 na kambing at pitong baka sa isang farm sa Barangay Napo, Santa Cruz, batay sa report ng bansa sa World Organization for Animal Health (WOAH).
Nakasaad pa sa report na tatlong kambing ang namatay dahil sa nasabing sakit.
Sa report ng bansa sa WOAH na may mga clinical signs na nakita sa ilang kambing noon pang buwan ng Pebrero.
Subalit, nakumpirma lamang ang presensiya ng Q fever sa bansa noong June 19 base sa mga resulta ng mga pagsusuri na isinagawa ng Philippine Carabao Center.
Nagsagawa na umano ng control measures ang bansa kabilang ang disinfection, movement control, quarantine, screening, official disposal of carcasses, by-products and waste, at stamping out, habang isasagawa ang surveillance sa loob at labas ng restricted zone.
Una rito, kinumpirma ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang unang kaso ng Q fever sa bansa subalit tiniyak na kontrolado ang outbreak.
Pansamantalang ipinagbawal ng Department of Agriculture ang importasyon ng buhay na mga kambing mula sa United States matapos na makumpirma ang Q fever cases nitong nakalipas na buwan, at ito ang unang kumpirmadong kaso ng imported na mga kambing.
Ayon sa European Centre for Disease Prevention and Control (ECDC), ang Q fever ay dulot ng bacteria na tinawag na Coxiella burnetii na nakakaapekto sa tao mga hayop.
Maaaring makuha ng tao ang sakit mula sa apektadong hayop sa pamamagitan ng kontaminadong gatas o sa paghawak sa fetus, placenta o fluids ng apektadong hayop na nanganak.