Inihayag ng Simbahang Katolika na mahalagang gunitain ang pagpapakasakit ng Panginoong Hesus at ang tinaguriang “Paschal triduum” na sinimulan nitong Huwebes Santo, ngayong Biyernes Santo at sa darating na easter vigil sa gabi ng Sabado.

Ayon kay Fr. Gary Agcaoili ng Archdiocese of Tuguegarao, na itinuturing itong pinakamahalagang Linggo sa buong Taon dahil sa pagpapakasakit ni Hesus para tubusin mula sa kasalanan ang sanlibutan.

Kasabay nito, hinimok ni Fr. Agcaoili ang mga kandidato sa midterm elections na gamitin ang pamamahinga sa kampanya upang magnilay, magdasal at makiisa sa mga gawain ng simbahan at mga parokya.

Hinikayat rin niya ang mga pulitiko na tularan ang ginawa ni Hesukristo na paghuhugas ng paa ng kanyang mga apostol na simbolo ng tunay na pagbibigay serbisyo sa kapwa.

Kahapon, Huwebes Santo inalala ang Huling Hapunan o Last Supper at katuwang nito ang pagbibigay ng Eukaristiya ni Hesukristo at paghuhugas sa paa ng 12 niyang apostoles.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Fr. Agcaoili, gabi ng Huwebes Santo ay napakahalagang magdasal dahil ito ang panahong naiwang mag-isang nagdarasal si Hesukristo.

Samantala, ngayong Biyernes Santo ang araw ng kamatayan ng Panginoon at dito madalas ginagawa ang pag-Visita Iglesia, pananalangin at ang tradisyunal na station of the cross.

Paalala pa ni Fr Agcaoili na hindi dapat binabalewala ang Easter Sunday o “Salubong” dahil dito nabuhay muli si Kristo na patunay na anak siya ng Diyos at tinubos niya ang mga tao sa kasalanan.