Nakatakdang maghain ng disqualification cases ang Commission on Elections (Comelec) laban sa nasa 30 na mga kandidato, kabilang ang isang kandidato sa Senado, dahil sa umano’y paglabag sa guidelines ng komisyon sa illegal campaign materials.
Sinabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia na nasa 30 hanggang 35 ang kakasuhan ng Task Force Baklas ang kakasuhan dahil sa hindi pagtatanggal ng mga campaign materials na iniutos ng task force na tanggalin sa kabila ng mga ibinigay na abiso at mga pakiusap.
Una rito, nagbabala ang Comelec na maglalabas sila ng mga abiso sa mga kandidato, na nag-uutos sa kanila na tanggalin ang kanilang illegal campaign materials at election campaign paraphernalia na inilagay sa labas ng designated areas sa loob ng tatlong araw bilang bahagi ng Oplan Baklas.
Kung mabibigo ang mga kandidato na tumugon sa nasabing kautusan, makakasuhan sila ng election offense cases, na posibleng magbunsod ng disqualification.
Matatandaan na nitong Pebrero, nagsagawa ang Comelec ng Oplan Baklas at tinanggal ang lahat ng illegal campaign materials ng national candidates sa maraming lugar.
Isinagawa naman ang pagtanggal sa mga campaign materials ng mga lokal na kandidato nitong buwan ng Marso.
Samantala, sinabi ni Garcia na magsasampa din ang Task Force SAFE o Safeguarding Against Fear and Exclusion in Election ng disqualification petitions laban sa tatlong kandidato dahil sa paglabag sa anti-discrimination resolution ng poll body.
Kasabay nito, sinabi ni Garcia na halos 400 na ang vote-buying cases, sa kabila na may nilalabas na silang disqualification.
Ayon kay Garcia, pipigilin ng Comelec ang proklamasyon ng mga indibidual na may nakabinbin na kaso kung sakaling manalo sila sa eleksyon.