
Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) na maaaring managot ang mga kandidato na magsumite ng maling impormasyon sa kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, ang mga kandidatong mapatunayang nagsinungaling o nagpeke ng datos sa kanilang SOCE ay maaaring maharap sa mga kasong election offense, perjury, at falsification of public documents.
Pinaalalahanan ng Comelec ang mga kandidato na tiyaking tama at kumpleto ang kanilang isusumiteng ulat, kabilang ang lahat ng donasyon, gastos, at pangalan ng mga donor, alinsunod sa Sections 98 at 99 ng Omnibus Election Code.
Nilinaw din ni Garcia na wala sa mandato ng Comelec ang magpatanggal ng mga opisyal sa puwesto dahil sa pekeng SOCE, ngunit maaaring gamitin ng ibang ahensya o indibidwal ang mga natuklasan ng Comelec bilang basehan sa paghahain ng kaso.
Ang SOCE ay mahalagang dokumento na naglalaman ng lahat ng kontribusyon at gastusin ng isang kandidato sa panahon ng kampanya. Ang hindi wastong pagsusumite nito ay maaaring magresulta sa administratibo at kriminal na pananagutan.









