Aabot sa humigit-kumulang 2,000 na mga kapulisan ang idedeploy sa iba’t ibang lokalidad habang mayroon ding 1,500 disaster response personnel na nakatakdang magbigay ng suporta bilang bahagi ng nalalapit na paggunita sa UNDAS sa Region 2.

Ayon kay PMAJ Sharon Malillin, tagapagsalita ng Police Regional Office 2, ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan na magtatravel o bibisita sa mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay habang magkakaroon din ng mga hakbang para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bawat lokalidad.

Aniya, may mga ipinatutupad na rin na guidelines hinggil sa security coverage at iba pang public safety services na inihanda ng Philippine National Police (PNP) para sa Undas na gaganapin sa Nobyembre 1 at 2.

Sa kabila ng inaasahang bagyo, tiniyak aniya ni Malillin na nakahandang magpatupad ng mga hakbang ang mga awtoridad upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko.

Kabilang sa mga ipinatupad na guidelines ay ang pagbibigay ng public safety services sa mga sementeryo at memorial parks, pagtatayo ng police assistance desks sa lahat ng mga sementeryo, at paglikha ng assistance hubs sa mga pangunahing kalsada kasama ang iba pang ahensya tulad ng Bureau of Fire Protection (BFP) at mga advocacy group.

-- ADVERTISEMENT --

Magkakaroon din ng road marshals sa mga strategic areas, at palalakasin ang operasyon ng mga checkpoints sa mga munisipyo habang mayroon din assistance center para sa mga biyahero sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at iba pang ahensya.

Para naman aniya sa karagdagang seguridad ay mayroon ring mga nakatalagang regional reactionary forces na tututok sa disaster response, lalo na sa panahon ng mga kalamidad.

Samantala sinabi pa ni Malillin na bilang bahagi ng mga alituntunin ay ipinatutupad rin ng kapulisan ang pagbabawal sa pagdadala ng mga matutulis na bagay at alak sa loob ng sementeryo upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng lahat ng bibisita.