
Ibinasura ng piskalya ang inihaing kaso sa pamamagitan ng inquest proceeding laban sa tatlong indibidwal na umano’y responsable sa pamamaril sa tumatakbong konsehal at dalawa nitong kasamahan sa Brgy. Bungad, San Pablo, Isabela nitong April 25, 2025.
Batay sa apat na pahinang resolusyon mula sa Office of the Provincial Prosecutor-Isabela, nakasaad na nabigo ang PNP San Pablo na tumatayong complainant na magpresinta ng mga kaukulang ebidensiya para suportahan ang alegasyon laban sa mga itinuturong suspek.
Sinampahan ang mga respondents ng 3 counts of frustrated murder, isang attempted murder at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Una rito, iniulat ng PNP na dinampot ng mga pulis sa isinagawang hot pursuit operation ang dalawa habang isa pa ang at large.
Subalit, sa ginawang pagsusuri ng Prosecutor’s office, hindi pasok sa warrantless arrest ang paghuli sa dalawa na sinasabing bumaril kay SB Member candidate Marl John Paul C. Tipon, Mark Francis Antonio, at John lloyd Duran.
Giit ng piskalya nabigo ang mga otoridad na ma-establisa na ang mga respondents ay gumagawa ng krimen noong sila ay inaresto maging probable cause para sila ay huliin.
Bukod dito, hindi umano nakasakay ang mga respondents sa sinasabi nilang get-away vehicle na puting pick-up bagkus nasa loob sila ng isang resort malapit sa kalsada.
Inilahad pa ng public prosecutor na kulang ang mga dokumentong isinumiti kung saan karamihan sa mga ito ay photocopy at nabigo rin ang complainant agency na isama ang kopya ng spot report.
Nagpapasalamat naman ang dalawa sa kanilang paglaya kung, saan binigyan-diin ng mga ito na wala silang kinalaman sa krimen at bilang patunay nagnegatibo sila sa paraffin test na isinagawa ng pulisya.
Matatandaan na pinagbabaril umano ang puting pick-up truck na sinasakyan noon ng mga biktima habang ang mga suspek ay nakasakay rin umano noon sa isang pickup truck.
Nagpapagaling pa sa pagamutan ang mga biktima.
Una rito, sinabi ng PNP na ikinokonsidera nila na election related incident ang naturang pangyayari