Mariing itinanggi ng ilang kasalukuyan at dating miyembro ng Kamara de Representantes ang alegasyon ng 18 umano’y dating Marines na tumanggap sila ng mga maletang naglalaman ng pera mula sa mga flood control project.

Ayon kay Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, walang katotohanan ang mga paratang at isa lamang itong tangkang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Naglabas din ng magkasanib na pahayag sina dating ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, dating Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, at dating Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel kung saan tinawag nilang malisyoso at walang basehan ang mga alegasyon. Anila, hindi maaaring masangkot ang Makabayan bloc sa flood control scam dahil wala silang mga infrastructure project na maaaring pagmulan ng kickback.

Samantala, itinanggi rin ni ML Party-list Rep. Leila de Lima ang mga paratang at sinabing nakapagsampa na siya ng mga kasong libel, cyberlibel, at perjury laban sa mga nag-akusa sa kanya.

Pinabulaanan din ni Palawan 2nd District Rep. Jose “Pepito” Alvarez ang alegasyon at iginiit na wala siyang natanggap na pera o maleta mula kay Zaldy Co o kanino man.

-- ADVERTISEMENT --

Para naman sa mga lider ng Makabayan bloc na sina Gabriela Party-list Rep. Sarah Elago, ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, at Kabataan Party-list Rep. Renee Co, pawang kasinungalingan lamang ang mga akusasyon at hindi dapat gamitin ang Senado para sa mga umano’y pekeng pagdinig, testigo, at ebidensya.