Pinakiusapan umano si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste ng kaniyang mga kapwa mambabatas na huwag isapubliko ang P2 million Christmas bonus na ibinigay sa kanila.

Sa isang panayam, sinabi ni Leviste na nang makita niya ang mga cheke, kinunan niya ito ng larawan at nagsimula umanong mag-panic ang mga mambabatas at tinawagan ang ilang tao para sabihan siyang huwag ibahagi ito sa publiko.

Ayon kay Leviste, kaniya itong sinasabi para ipaliwanag na maraming sekreto o lihim kaugnay sa naturang allowances.

Sinabi pa ni Leviste, mayroon siyang mga larawan ng mga cheke na inisyu ng mga miyembro ng Kamara sa kasagsagan ng botohan sa national budget, at iginiit na ibinalik niya ang ibinigay sa kanya sa House Committee on Accounts.

Matatandaang isiniwalat ni Leviste kamakailan na nakatanggap ang lahat ng kongresista ng nasa P2 million bilang Christmas bonus, bagay na itinanggi ng ilang House leaders.

-- ADVERTISEMENT --