Na-cremate na nitong Sabado ng hapon ang mga labi ng walong taong gulang na si John Ysmael Mollenido, anak ng pinaslang na pulis na si Policewoman Diane Marie Mollenido.

Isinagawa ang cremation sa Tarlac City at nasaksihan ng ama ng bata na si Police Senior Master Sergeant John Mollenido.

Bagaman itinuturing na person of interest sa kaso, iginiit ni John Mollenido ay itinuturing na handa siyang makipagtulungan sa anumang imbestigasyon kaugnay ng krimen.

Noong Enero 24, natagpuang patay si Diane Marie, 38 taong gulang, sa isang sapa sa Pulilan, Bulacan, na may tama ng bala sa ulo.

Makalipas ang limang araw, natagpuan naman ang bangkay ni John Ysmael sa isang kalamansi farm sa Victoria, Tarlac. Ayon sa pulisya, namatay ang bata dahil sa asphyxia o suffocation.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, tatlong suspek ang inaresto sa isang residential area sa Novaliches, Quezon City nitong Biyernes.

Narekober mula sa bahay ng mga suspek, na umano’y live-in partner, ang cellphone ni Diane Marie at ₱100,000 na cash.

Natagpuan din sa Pampanga ang isang sports utility vehicle (SUV) na pinaniniwalaang ginamit sa paglipat ng mga bangkay ng mga biktima.

Patuloy naman ang isinasagawang masusing imbestigasyon ng pulisya upang makabuo ng matibay na kaso laban sa mga sangkot.