Nakatakda ng iluwas sa Cauayan City, Isabela ang mga labi ng anim na sakay ng Cessna plane 206 na bumagsak sa mabundok na bahagi ng Ditarum, Divilacan, Isabela.
Ito ay matapos na maibaba ng rescue composite team sa town proper ng bayan ng Divilacan ang mga bangkay matapos ang ilang araw mula ng matagpuan ang lugar kung saan bumagsak ang nasabing eroplano.
Ayon kay CAPT Rigor Pamittan ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Philippine Army, nakahanda na ang air asset na gagamitin upang makuha ang mga bangkay anumang oras na bumuti ang panahon ngayong araw.
Sinabi niya na ibinalot sa cadaver black bag ang mga bangkay na nasa decompotition stage na habang ang mga pamilya ng mga nasawing biktima ay nag-aantay na rin sa Cauayan City.
Bagamat nasa decomposition stage ang mga ito ay natukoy naman ng mga miyembro ng rescue team ang pagkakailanlan ng mga biktima.
Maalalang Enero 24 pa ng maiulat ang pagkawala ng nasabing eroplano kung saan ay tumagal ng higit isang buwan ang paghahanap ng mga rescue team dahil sa masungit na panahon at masukal na kabundukan na kailangan nilang galugarrin.