TUGUEGARAO CITY- Naiuwi na sa kanilang tahanan sa Cataggaman Nuevo Tuguegarao City si SSGT Louie Cuarteros ng 21st Infantry Battalion Philippine Army , isa sa mga namatay sa pagsabog sa Jolo, Sulu.
Bago nito, binigyan ng military honors si Cuarteros at si Ssgt. Manuelito Oria ng Tabuk City, Kalinga sa pagdating ng kanilang mga labi sa Tuguegarao airport kaninang umaga sakay ng C-130 plane.
Kaugnay nito, umiiyak na sinabi Carolyn, asawa ng sundalo pagbigyan ang kanyang hiling na tatlong araw na burol.
Dalawang araw lang kasi ang pinapayagang burol ngayon sa Tuguegarao matapos na isailalim ito sa modified enhanced community quarantine dahil sa pagdami ng local transmission ng covid-19.
Hustisya ang sigaw ni Carolyn para sa kanyang asawa.
Ayon sa kanya, magbabakasyon sana ang kanyang asawa sa susunod na buwan para ipagdiwang nila ang kanilang kaarawan kasama ang kanilang anak na siyam na buwang sangol pa lamang.
Samantala, inihatid naman ng mga sundalo ng 5th Infantry Division ang mga labi ni Oria.