
Naiuwi na sa Isabela ang mga labi ni Maryan Pascual Esteban, ang nag-iisang Pilipinong nasawi sa sunog sa Tai Po, Hong Kong noong Nobyembre 26, 2025.
Personal na sinalubong sa Tuguegarao Airport ang mga labi ni Esteban nina Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo J. Cacdac, DMW Region 2 Director Rogelio Benitez, at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 2 Director Virsie B. Tamayao.
Ayon kay Secretary Cacdac, iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang agarang pagbibigay ng tulong at suporta sa pamilya ng nasawing OFW, lalo na sa kanyang naiwan na 10-taong-gulang na anak, gayundin ang pagpapabilis ng pagproseso ng mga dokumento upang agad na maiuwi ang kanyang mga labi.
Nagdeploy ang OWWA Region 2 ng team na tututok sa pamilya ni Esteban sa Jones, Isabela upang matiyak ang tuloy-tuloy na tulong at psychosocial support. Nagbigay na rin ang OWWA ng agarang ₱50,000 financial assistance.
Bukas, personal na bibisitahin ni OWWA Administrator Patricia Yvonne M. Caunan ang lamay upang ipaabot ang pakikiramay ng ahensya at iabot ang ₱220,000 Death and Burial Benefits at ₱15,000 ELAP Livelihood Assistance.
Aktibo ring tumutulong ang lokal na pamahalaan ng Jones, Isabela, sa pangunguna ni Mayor Nhel C. Montano, upang masiguro ang maayos na koordinasyon at suporta sa pamilya.
Tiniyak ng DMW at OWWA ang patuloy na pagkalinga sa pamilya ni Maryan Esteban bilang pagkilala sa kanyang sakripisyo bilang isang OFW.










