Ipinakita ni Senator Risa Hontiveros sa pagdinig ng Senado ang maraming larawan na nagpapakita kay dating Philippine National Police Chief Benjamin Acorda Jr. kasama ang ilang personalidad na isinasangkot sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (Pogos).

Kinompronta din ni Hontiveros si Yang Jian Xin na kilala rin na si Tony Yang gamit ang kanyang larawan kasama ang tatlong iba pa kabilang si Acorda.

Si Yang ay ang naarestong kapatid ng negosyanteng si Michael Yang, na nagsilbing economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Hiniling ni Hontiveros kay Yang na ipaliwanag ang nasabing litrato at kung ito ay isang meeting, kung sino ang mga kasama niya at kung ano ang kanilang napag-usapan.

Subalit, sinabi ni Yang sa pamamagitan ng isang interpreter na hindi iyon meeting dahil sa binisita lamang nila ang police chief ng Cagayan.

-- ADVERTISEMENT --

Nang tanungin siya kung sino ang sinasabi niyang police chief, sinabi ni Yang na hindi maayos ang kanyang english ngunit tinatawag niya ito na Acola o Acoda.

Narinig naman na itinama ni Senator Jinggoy Estrada si Yang sa pagbigkas at sinabi ang Acorda, ang dating PNP chief.

Sa pagpapatuloy ng pagtatanong kay Yang, sinabi niya na matagal na silang magkakilala ni Acorda at ito ay noong siya pa ang director ng Cagayan.

Nang tanungin muli siya ni Hontiveros kung alam niya na mayroon siyang warrant of arrest sa China dahil sa kasong fraud, sagot ni Yang na hindi niya alam.

Sumunod na tinanong si Sual, Pangasinan Mayor Dong Calugay kung kilala niya si Acorda, kung saan sinabi niya na kilala niya ito na pinakamataas na opisyal ng PNP.

Nasabit si Calugay sa imbestigasyon ng Senado dahil sa romantic relationship niya kay Alice Guo.

Muling nagpakita ng isa pang litrato si Hontiveros nina Acorda, Calugay at Wesley, ang kaapatid ni Alice Guo.

Sinabi ni Calugay na namasyal sila noon dahil si Acorda ay dating chief of police ng Sual.

Ayon sa kanya, kuha ang nasabing larawan sa Camp Crame sa Quezon City.

Idinagdag pa ni Calugay na hindi niya maalala kung ang kanilang pamamasyal sa Camp Crame ay noong unang araw ng pagiging PNP chief ni Acorda.

Sinabi din niya na sumama lamang sa kanila si Wesley dahil gusto umano niyang makita ang PNP chief.

Matatandaan na nabanggit ang hindi pinangalanan na dating PNP chief sa pagdinig ng Senado nitong nakalipas na linggo na kabilang sa mga tumanggap ng suhol para tulungan si Alice Guo na makaalis ng bansa.