
Kinalampag ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga local government unit (LGU) sa buong bansa na isulong ang mas matibay na kultura ng kaligtasan at pag-iwas sa sunog upang higit na maprotektahan ang kanilang mga komunidad.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), ang mga madaling magliyab na materyales at malakas na hangin ang nagpalala sa mabilis na pagkalat ng sunog noong Pebrero 3 sa mataong Barangay Lamion, Bongao, Tawi-Tawi.
Higit sa 1,400 pamilya ang naapektuhan at napilitang lumikas, habang umaabot naman sa P17.5 milyon ang pinsala sa pribadong ari-arian, at P18 milyon ang pinsala sa pampublikong imprastraktura.
Sinabi ni Gatchalian na maraming insidente ng sunog ang maaaring maiwasan kung iiwasan din ang overloading ng mga electrical circuit at kung paiigtingin ang kampanya laban sa ilegal na koneksiyon sa kur¬yente. Iginiit din niya ang mas mahigpit na pagsunod sa tamang paghawak at paggamit ng LPG upang maiwasan ang sunog.










