Nanawagan ang pamunuan ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) sa mga lokal na pamahalaan na bilhin ang mga produkto ng mga magsasaka bilang pang-ayuda lalo na ngayong nakararanas ng oversupply sa wombok at repolyo.

Ayon kay Engr. Gilbert Cumilla, manager ng NVAT sa Bambang, Nueva Vizcaya na bagamat bumili na ang Department of Agriculture ng tatlong truck ng naturang mga gulay na katumbas ng 6K kilos ay hindi pa rin ito sapat dahil sa dami ng supply subalit mababa naman ang demand.

Hinimok rin ni Cumilla ang mga mamimili na samantalahin ang murang presyo ng naturang mga gulay upang makatulong sa mga magsasaka.

Sa ngayon naglalaro sa P5 hanggang P10 ang wholesale price ng 1st class na repolyo at wombok habang mas mababa sa P5 naman ang presyo ng 3rd class nito.

Sinabi ni Cumilla na ang naturang presyo ay mas mababa pa sa P15 na production cost sa pagtatanim ng naturang mga gulay.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, 50% ng mga repolyo at wombok na dinadala sa NVAT ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Pinayuhan rin ni Cumilla ang mga magsasaka na piliin ang mga gulay na maaaring itanim upang maiwasan ang oversupply dahil sa sabay-sabay na pag-ani ng mga magsasaka mula sa ibat-ibang rehiyon sa Northern Luzon.