Patuloy ang mga evacuation efforts ng mga lokal na pamahalaan bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Marce.

Ayon kay Rueli Rapsing, head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nagsimula na ang mga lokal na pamahalaan ng magpatupad ng pre-emptive evacuation kaninang tanghali kung saan kasama sa mga lugar na isinailalim sa pre-emptive evacuation ang mga coastal municipalities, mga kabundukan, at mga mabababang lugar.

Ilan sa mga lugar na sinailalim sa pre-emptive evacuation ay sa bahagi ng Baggao, Gattaran, Claveria, Sta.Ana, Gonzaga, Sta.Teresita, Buguey, Lallo, Amulung, Tuguegarao, Pamplona, Abulug at Allacapan.

Samantala, binigyang-diin naman ni Rapsing na may posibilidad ding tumaas ang lebel ng tubig sa Cagayan River, ngunit sa ngayon ay nasa 3.8 meters pa lamang ang water level sa Buntun Bridge, kaya’t hindi pa ito umaabot sa alarm level.

Kapag tumaas umano ito sa 6 meters ay maaaring magkaroon na ng pagbaha sa mga lugar tulad ng Pinacanauan Overflow Bridge, tulay na nagdudugtong sa Amulung East-West, Tana-Annabulucan, at nalalabing bahagi ng Boulevard.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay wala pang naitatalang anumang insidente dulot ng nasabing bagyo.