

TUGUEGARAO CITY-Nakauwi na ang mahigit 200 indibidwal na inilikas kasunod ng sagupaan sa pagitan ng 17th Infantry Batallion at mga miyembro ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley (KRCV) sa bayan ng Baggao.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCAPT Jackelyn Urian, deputy chief of police ng PNP- Baggao na nakabalik na sa kanilang mga tahanan ang mahigit 60 pamilya na naapektuhan ng bakbakan mula sa Brgy Sta. Margarita at Brgy. Pallagao.
Bukod sa LGU at DSWD ay nakatanggap rin ang naturang mga residente ng tulong sa pamamagitan ng outreach program na isinagawa ng Cagayan Police Provincial Office.
Sinabi ni Urian na nagbigay ang kapulisan ng mga grocery items at health assistance sa mga residenteng may comorbidities.
Samantala, tiniyak ni Army Major Rigor Pamittan ng 5th Infantry Division na magbibigay ang kanilang hanay ng kompensasyon sa mga magsasaka na nasira ang kanilang mga pananim na mais sa paglapag ng military chopper.
Ayon kay Pamittan, hinihintay na lamang ng 5th ID ang assessment ng Provincial Agriculture Office at LGU Baggao sa iniwang pinsala ng paglapag ng kanilang dalawang aircraft.
Humihingi ng pang-unawa si Pamittan sa mga naapektohan ng kanilang operasyon dahil sa kailangan na i-arilift ang isang sugatang rebelde matapos ang labanan.
Kaugnay nito, sinabi ni Pamittan na tuloy pa rin ang hot pursuit operation sa lugar dahil sa hindi nila matiyak kung nasa lugar pa ang mga nasabing rebelde.










