
Sa isang privilege speech sa Senado ay naglabas ng findings si Senator Ping Lacson sa imbestigasyon niya sa mga maanomalyang flood control projects.
Mula 2011 — 2025, umabot sa ₱1.9-T ang inilaan sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Pero, ayon kay Senator Lacson, higit kalahati nito, o ₱1-T, inilabas lamang sa loob ng 3 taon mula 2023 — 2025.
Ayon sa Senador, sa sistema ng hatian, malaking porsyento ang napupunta sa mga opisyal, auditor, at pulitiko.
Kapag natapos ang kaltasan, halos 40% na lang ang napupunta sa mismong proyekto.
Sa Arayat at Candating Pampanga, paulit-ulit nang nire-repair ang isang slope protection project.
Mula ₱20-M noong 2018, umabot na sa ₱274.8-M ang halaga ng mga kontrata hanggang 2025.
Lahat napunta sa parehong contractor na Eddmari Construction and Trading.
Sa La Union, Bauang River Basin, 2 proyekto lang na tig-₱50-M ang nasa National Expenditure Program (NEP) 2024, pero pagdating sa General Appropriations Act (GAA), naging halos ₱1.6-B.
Iisa lang ang nakakuha ng lahat ng kontrata ang Silverwolves Construction Corp. na pinaghiwa-hiwalay sa 17 packages.
Sa bayan ng Naujan, Oriental Mindoro, 3 taon nang nakatanggap ng halos ₱19-B para sa flood control.
Kabilang dito ang proyekto sa Barangay Burbuli, Baco na ₱95-M na nakuha ng Silverwolves Construction, at ang ₱231-M project sa Barangay San Jose, Naujan na nakuha ng Rayman Builders Inc.
Pero sa barangay-level validation, maraming istrukturang bumagsak agad matapos ang ulan, may mga proyekto ring mababaw ang pundasyon, at may ilan pang hindi talaga ginawa.
Sa Barangay Inarawan, Naujan, ₱1.8-B na road dike projects ang lahat napunta sa Sunwest Construction and Development Corp.
Sa Barangay Apitong sa Naujan pa rin, isang ₱193-M project ang tinaguriang completed noong 2024.
Pero nang puntahan ng mga residente at investigators, wala silang nakitang flood control structure.
Sa Bulacan naman, sunod-sunod ang mga ghost projects ani Lacson.
Karamihan tig-₱77.199-M ang halaga, pero alinman dito walang makitang aktwal na istruktura o matagal nang gawa ngunit paulit-ulit pinopondohan.
May mga contractor ding natukoy na wala palang opisina, kabilang ang Darcy and Anna Builders at Wawao Builders, na nakarehistro lang sa mga abandonadong gusali at tindahan.