Balik-eskwela na ang mga estudyante simula ngayong araw sa Itbayat mahigit isang linggo matapos tumama ang dalawang malakas na lindol sa Batanes.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Schools Division Superintendent Edwardo Escortiso na tatlo sa limang paaralan sa Itbayat ang matinding napinsala sa lindol at hindi ligtas gamitin.
Ayon kay Escortiso, pansamantala ay magka-klase sa plaza ang mga mag-aaral ng Itbayat National Agricultural School, Itbayat Central School at Mayan Elementary School.
Parating na rin ngayong araw ang mga donasyon na tents mula sa Department of Social Welfare and Development na pansamantalang gagawing clasroom.
Sa halip na magsimula na ng kanilang aralin, sinabi ni Escortiso na titipunin ang mga estudyante at aalamin ang kanilang mga problemang naranasan sa lindol bilang tulong sa kanilang recovery process.
Samantala, ligtas namang gamitin at hindi gaanong naapektuhan ang Yawran Barrio School at Raele Integrated School na maaaring paghiraman ng mga learning materials.