Hinikayat ng National Food Authority ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang aning palay sa ahensya kasunod ng mataas na buying price dahil sa dagdag na P3 hanggang P4 kada kilo na buffer stocking incentives.
Ayon kay Maria Luisa Luluquisen, manager ng NFA- Cagayan na para sa dry palay na may moisture content na 14 percent ay bibilhin ng P23 kada kilo habang sa wet palay o sariwa na may moisture content na 22-29% ay P19 ang pagbili kada kilo na naaayon sa inaprubahan na buying price ng NFA Council.
Sa kasalukuyan, patuloy ang NFA sa pamimili ng palay ng mga magsasaka sa kanilang lugar sa Cagayan-Apayao-Kalinga sa pamamagitan ng mobile procurement program nito kung saan pinupuntahan ng ahensya ang palay ng mga magsasaka sa kanilang lugar para ma-classify, timbangin at bayaran.
Nagkaroon naman ng kasunduan ang lokal na pamahalaan ng Conner sa lalawigan ng Apayao sa NFA upang itaas pa ang presyo ng pagbili ng palay sa mga magsasaka sa ilalim ng Palay Marketing Assistance Program for Legislators and Local Government Units (PALLGU).
Dahil sa kasunduan sa PALLGU, ang LGU- Conner ay magdadagdag ng P2.50 kada kilo kaya mula sa P23 ay magiging P25.50 kada kilo ang pagbili sa tuyong palay habang P22.50 sa wet palay.
Sa pagbebenta sa mga aning palay ay kailangan lamang na kabilang ang magsasaka sa listahan ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ngunit maaari namang punan ang ibibigay na Farmers Information Sheet na may lagda ng Brgy Kapitan o Municipal Agriculture Office bilang patunay ng pagiging isang magsasaka.
Target ng NFA-Cagayan na makabili ng nasa 1.4 milyon kaban ng palay kung kaya patuloy na hinihimok ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang ani sa ahensya upang maidagdag sa buffer stock lalo na sa panahon ng kalamidad at emergency.
Ang mga bodega ng NFA-Cagayan ay matatagpuan sa bayan ng Luna sa lalawigan ng Apayao; Centro, Sta Praxedes; Brgy Matucay, Allacapan; Centro, Lasam, Brgy Smart Gonzaga, Brgy Carig sa lalawigan ng Cagayan at Bulanao at Rizal sa lalawigan ng Kalinga.