TUGUEGARAO CITY- Hinihikayat ang mga magsasaka sa Cagayan na magtanim din ng tabako.Sinabi ni Engr. Perlita Mabaza ng Task Force Tobacco na ang pagatatanim ng tabako ay sa ilalim ng Tobacco Contract growing scheme na alok ng isang pribadong kumpanya.
Ayon kay Mabaza, sa ilalim ng kontrata, magbibigay ang kumpanya ng P150k hanggang P160k sa mga magsasaka ng tabako na kanilang gagamitin sa kanilang pagtatanim.
Sinabi niya na bibilhin ng kumpanya ang lahat ng mga tabako ng mga magsasaka sa ilalim ng nasabing sistema na dadalhin naman sa ibang bansa.
Ayon sa kanya, nakita kasi ng nasabing kumpanya na maganda ang kalidad ng tabako dito sa lalawigan.
Bukod dito, sinabi ni Mabaza na hindi malulugi ang mga magsasaka dahil ang presyo ng tabako ay ibabatay sa itinakda ng National Tobacco Administration na P89 per kilo.
Idinagdag pa ni Mabaza na may kundisyon para sa isang bayan na gustong pumasok sa nasabing kontrata.
Ayon sa kanya, kailangan na ang 50 percent sa tobacco excise tax ay ibigay sa mga tobacco farmers.
Gayonman, nilinaw ni Mabaza na hindi naman ito nangangahulugan na titigil na ang mga magsasaka sa pagtatanim ng palay, mais at iba pa.
Sa halip, sinabi niya na ito ay para may alternatibo ang mga magsasaka upang matulungan sila dahil sa mababang presyo ngayon ng palay dahil sda Rice Tarrification Law.