TUGUEGARAO CITY- Pinayuhan ng Office of the Provincial Agriculture ng Cagayan ang mga magsasaka na maging alerto ngayong panahon ng tag-ulan.

Sinabi ni Danilo Benitez ng OPA na sa panahon ng tag-ulan umaatake ang mga peste at insekto at iba pang sakit ng mga palay at mais.

Ayon kay Benitez, dapat na agad na idulog ng mga magsasaka sa kanilang municipal agriculturist o sa kanilang opisina kung may mga problema sa kanilang mga pananim upang mabigyan ng katugunan.

Umaasa din si Benitez na hindi aabutan ng mga bagyo ang mga pananim ng mga magsasaka dahil sa nasa early stage pa lang ang mga ito.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Benitez na isasagawa sa September 9 hanggang 14 ang Grand Harvest Festival sa Provincial Farm School on Agri-tourism Center sa Angkiray, Amulung.

Sinabi ni Benitez na ipapakita sa aktibidad ang mga farm technology sa palay, mais, fisheries at iba pa.

Magkakaroon din ng pick and pay sa mga pananim doon subalit limitado lamang sa isang kilo ang dapat na pitasin upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng dadalo sa aktibidad.

Layunin ng nasabing aktibidad na mai-promote ang agri-tourism sa lalawigan.

Kaugnay nito, sinabi ni Benitez na umaasa siyang maaaprubahan na ang budget ngayong taon upang maipatupad na ang kanilang plano na mga training at paglalagay ng farm machineries.