CTTO

TUGUEGARAO CITY-Ramdam na ramdam na ng mga magsasaka ang pagkalugi simula nang ipatupad ang rice Tarrification Law sa bansa.

Sa naging panayam kay Resty Agustin, isang magsasaka sa bayan ng Solana, bagamat simula palang ng anihan sa kanilang nasasakupang lugar , napakababa na ang pagbili ng traders sa kanilang mga aning palay.

Ayon kay Agustin, kung sariwa o hindi pa naibilad ang aning palay, binibili umano ito ng P8.50 hanggang P10 habang pumapalo naman sa P15-16 ang dry.

Aniya, bukod sa napakababa, ilan pa sa mga traders ay hindi na tinanggap o binibili ang mga aning palay lalo na ngayon at madalas makaranas ng pag-ulan ang rehiyon.

Paliwanag ni Agustin, napakababa na umano ang kanyang kinikita ngayon kumpara noong hindi pa ipinatupad ang Rice Tarrification Law.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya, na sa ngayon ay nasa P650 na lamang ang kabuuang halaga ng isang sako ng palay kung kaya’t mula sa kita na mahigit P50,000 sa isang ektarya ng kanyang sinasaka noon ay halos kalahati na ngayon.

Aniya, bagamat napapatubigan ng National Irrigation Administration (NIA ) ang kaniyang sakahan pero luging-lugi pa rin umano siya dahil magbabayad pa ito ng kanyang mga inutang na mga farm inputs.

Tinig ni Resty Agustin

Samantala, ayon naman kay Boy Reyes, isa ring magsasaka sa bayan ng Solana na gumagamit ng water pump sa pagpapatubig ay napakalaki ng kanyang pagkalugi dahil napakababa na ang pinambibili ng kanilang mga aning palay.

Ayon kay Reyes, nakakagamit siya ng tatlong drum ng gasolina lalo na kung tag-tuyot para matubigan ang kanyang mga pananim na palay.

Aniya, hindi na kayang bumuhay ng pamilya ang kanilang kinikita sa pagsasaka mula nang ipatupad ang Rice Tarrification Law.

Tinig ni Boy Reyes